Bukas ang Philippine National Police o PNP na tumulong sa gingawang imbestigasyon hinggil sa nangyaring bakbakan sa pagitan ng Militar at ng New People’s Army o NPA sa Dolores, Eastern Samar.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, inatasan na niya ang PNP Crime Laboratory para magkasa ng forensic investigation nang sa gayon ay matukoy ang pagkakakilanlan ng 16 na nasawing NPA.
Binigyang diin pa ng PNP Chief na magkatuwang ang militar at pulisya na sugpuin ang paghahasik ng terrorismo ng mga komunista kaya’t handa nilang ibigay ang anumang suporta kung kakailanganin.
Una rito, sinabi ni 8th Infantry Division Commander M/Gen. Pio Diñoso III na malaking dagok para sa mga rebelde ang pagkakabuwag ng kanilang hideout kung saan ginagawa ang mga pampasabog.
Alas 4 ng umaga nuong Lunes sumiklab ang bakbakan na tumagal ng hanggang ala 5 ng hapon kung saan, maliban sa mga napatay na rebelde ay nasamsam pa ang iba’t ibang matataas na kalibre ng armas at pampasabog.
Samantala, sinabi ni Diñoso na walang collateral damage sa nangyaring engkuwentro kasunod ng isinagawang land, sea at air offensive laban sa may 50 armadong rebelde na kanilang nakalaban.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)