Nilinaw ng pambansang pulisya na walang banta sa seguridad ang idaraos na thanksgiving party para kay incoming President Rodrigo Duterte sa Crocodile Park sa Davao City sa Sabado.
Ito’y sa kabila ng paglalabas ng Davao Police ng listahan at mukha ng umano’y mga terorista na nasa Mindanao.
Ayon kay PNP Spokesman, Police Chief Superintendent Wilben Mayor, walang hiniling na dagdag na pulis ang PNP Davao mula sa National Headquarters.
Ibig sabihin, aniya, nito, sapat pa ang pwersa ng pamahalaan na magbabantay sa thanksgiving party kay Duterte na inaasahang dadaluhan ng higit isang daang libong katao.
Nilinaw naman ni Mayor na kaya naglabas ng listahan ng mga umano’y terorista ang Davao Police upang malaman ng publiko ang kanilang itsura at maisumbong kaagad ang mga ito sa otoridad.
Nais lamang masiguro ng PNP na magiging maayos at mapayapa ang thanksgiving party kay Duterte.
By: Avee Deviete