Ipinauubaya na ng Philippine National Police (PNP) sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagsagot sa lahat ng mga alegasyong ibinabato laban sa pamahalaan.
Ito ang reaksyon ng PNP makaraang maipasa ng United Nation Human Rights Council (UNHRC) ang resolusyong inihain ng bansang Iceland para imbestigahan ang anila’y talamak na patayan sa ilalim ng kampaniya kontra iligal na droga.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Bernard Banac, noon pa man ay kanila nang sinasabi na wala sa poder ng pulisya ang mga bagay na may kinalaman sa usaping panlabas ng bansa gayundin sa diplomatikong ugnayan.
Magugunitang 18 bansa ang bumoto pabor na manghimasok ang UN Human Rights Council para imbestigahan ang war on drugs ng Pilipinas, 14 ang kumontra habang 15 bansa naman ang nag-abstain.
Kasunod niyan, muling tiniyak ng PNP na magpapatuloy lamang ang kanilang trabaho na supilin ang krimen at iligal na droga alinsunod sa itinatakda ng batas, pag-iral ng rule of law at paggalang sa karaparang pantao.