Binigyang katwiran ni NCRPO o National Capital Region Police Office Chief Director Oscar Albayalde ang pagpapatapon sa Marawi City sa dalawang pulis na nasangkot sa pambubugbog sa dalawang lalaki sa Mandaluyong.
Sinabi ni Albayalde, hindi naman ito uri ng parusa sa naturang mga pulis.
Ipinaliwanag nito na ang kakulangan ng pulis sa Mindanao ang pangunahing dahilan kayat may mga pulis na gaya nina PO1 Jose Tandog at PO1 Chito Enriquez ang ipinapatapon sa naturang rehiyon.
“Kasama doon sa administrative sanction yung ita-transfer yung isang pulis from one assignment to another pero merong pangyayari, yung mga tinatawag na erring personnel natin na inililipat sa Mindanao dahil kulang po diyan sa tao kung iko-compare mo sa Luzon at Visayas.” Ani Albayalde
Kasabay nito, nilinaw ni Albayalde na hindi lamang mga tiwaling pulis ang kanilang ipinapadala sa Mindanao.
“Hindi naman palaging ganun na may kasalanan lang ipinapadala doon, marami rin tayong ipinapadala na hindi naman pinaparusahan, ang isip kasi kapag ipinadala sa Mindanao ay pinaparusahan na.” Dagdag ni Albayalde
Nilinaw din ni Albayalde na bagamat ipinatapon na sa Marawi ang dalawang pulis Mandaluyong ay tuloy pa rin aniya ang pag-usad ng kaso laban sa mga ito.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni NCRPO Chief Oscar Albayalde