Naka-full alert status na ang Philippine National Police o PNP para sa ikatlong SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.
Simula kaninang alas-5:00 ng umaga ay naka-full alert status o ibig sabihin ay lahat ng pulis sa buong bansa ay naka-duty na.
Ayon kay PNP Spokesman Senior Superintendent Benigno Durana Jr., wala namang banta sa seguridad ng SONA, layon lang aniya ng full alert status na masigurong may sapat na puwersa na handang tumugon sa anumang pangyayari.
May nakahanda na rin anya silang security measure sakaling humarap ang Pangulong Duterte sa mga raliyista.
Ayon kay NCRPO Chief Guillermo Eleazar, nasa 7,000 pulis ang nakakalat na ngayon sa paligid ng Batasan Pambansa mula sa NCRPO, Region 3 at Region 4-A.
Habang higit 1,000 namang sundalo ang ipakakalat ng Armed Forces of the Philippines o AFP.
Nakatakda namang mag iikot si PNP Chief Oscar Albayalde sa paligid ng venue ng SONA para inspeksyunin ang latag ng seguridad.
NOW: Flag raising ceremony ng Philippine National Police sa Camp Crame | via @jaymarkdagala pic.twitter.com/SAM4KyTQQa
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) July 22, 2018
Kasado na rin ang seguridad sa Batasang Pambansa para sa SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte mamaya.
Ayon kay House Secretary General Atty. Cesar Pareja, higit 3,000 mga foreign at local dignitaries ang inaasahang dadalo sa okasyon.
Habang daan-daang mga mamamahayag sa lokal at dayuhan ang magco-cover ng ulat ng pangulo.
Kaugnay nito, nakalatag na ang seguridad sa loob at labas ng Batasan Complex.
—-