Gagamit na ang Philippine National Police (PNP) ng mga drones sa kanilang internal security operations.
Ito ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde ay para maiwasang maging biktima ng pananambang ang mga pulis tulad nang nangyari sa isang miyembro nila sa Aurora.
Sinabi ni Albayalde na tiyak na mabubulabog ang mga kalaban kapag nakita ang mga drone para sa surveillance operations.
Inaasahang bago matapos ang taon ay mapasakamay na ng PNP ang halos 700 unit ng drone na una na nitong binili para i-deploy sa iba’t-ibang regional mobile forces battalion sa buong bansa.
Kasabay nito, tiniyak ni Albayalde ang hustisya sa napatay na pulis at isa pang nasugatan.
Ipinag-utos na aniya niya sa Aurora-PPO na magkasa ng checkpoints sa lahat ng entry at exit points ng lalawigan habang sinusuyod ng militar ang kabundukan upang matiyak na walang malulusutan ang mga hinihinalang rebelde na nanambang sa mga pulis.