Doble kayod na ngayon ang Pambansang Pulisya para siguruhing magiging maayos, tapat at mapayapa ang nalalapit na Eleksyon sa susunod na taon.
Ito’y ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ay kasunod ng pagpapalawig ng voters registration hanggang sa katapusan ng Oktubre.
Ayon kay Eleazar, ang pagnanais ng publiko na lumahok sa halalan ang nagbibigay sa kanila ng dahilan para lalo pang paigtingin ang pagbibigay seguridad sa panahong ito.
Kabilang na riyan ang pinaigting na kampaniya ng AFP at PNP kontra loose firearms at paglansag sa mga private armed group na siyang gagamitin ng mga pulitiko.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Eleazar ang mga pulis na tiyaking masusunod ang minimum health protocols sa voters registration gayundin sa filing ng Certificates Of Candidacy.
Magsisimula ang paghahain ng kandidatura sa Oktubre 1 ng taong ito at magtatapos naman hanggang sa Oktubre 8.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)