Bukas ang Quezon City Police District o QCPD sa di umano’y paglahok ng ilang dayuhang human rights activists sa mga kilos protesta sa SONA o State of the Nation Address ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Chief Supt. Guillermo Eleazar, hepe ng QCPD, mas maganda kung makikita ng mga dayuhang aktibista kung paano malayang makapagpahayag ng kanilang saloobin ang mamamayan dito sa Pilipinas.
Kasabay nito ay sinabi ni Eleazar na nakahanda ang pulisya na tugunan ang anumang sitwasyong puwedeng mangyari habang ginaganap ang kilos protesta.
Sinabi ni Eleazar na mayroon silang mga nakahandang arresting officers sakaling may magsimula ng gulo.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Chief Superintendent Guillermo Eleazar
Kilos protesta
Nagsimula nang magtipon sa labas ng Batasang Pambansa ang iba’t ibang grupong magsasagawa ng kilos protesta.
Karamihan sa kanila ay nag-vigil na kagabi sa Quezon Memorial Circle bago nagmartsa patungo ng Batasang Pambansa.
Ilan rin sa kanila ang nagtungo muna sa Mendiola at doon sinimulan ang protesta bago nagmartsa patungo sa labas ng Kongreso.
Ayon kay BAYAN Secretary General Renato Reyes, kung kilos suporta ang ginawa nila sa unang SONA ng Pangulo, kilos protesta na ngayon dahil marami sa kanilang mga pangako ang napako lamang.
Ang kabiguan naman ng Pangulo na tuparin ang pangakong tapusin ang kontraktualisasyon ang ipoprotesta ng mga manggagawa.
Samantala, sinabayan rin ng transport strike ang SONA ng Pangulo upang iprotesta naman ang jeepney modernization.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas (Interview)
Photo Credit: Jonathan Andal (Patrol 31)