Handa ang Philippine National Police (PNP) na isailalim sa lifestyle check ang ilan sa mga tauhan ng Aviation Security Group sa harap na rin ng hindi matapos-tapos na isyu ng tanim laglag bala sa NAIA.
Ayon kay PNP Chief Director General Ricardo Marquez, isang opsyon ang pagsasagawa ng lifestyle check kung pinaghihinalaan ang isang pulis na sangkot sa isang criminal activity.
Sinabi ni Marquez na sa ngayon, may mga hinihingi pa silang mga dokumento sa Office for Transportation Security o OTS patungkol sa dami ng mga nakumpiskang bala at kung kanino i-tinurn over ang mga ito.
Kapag nakita aniya na ang isang pulis na pinag-tinurn overan ng bala ay walang naihaing na kaso, magiging subject ito sa imbestigasyon.
Iginiit ni Marquez na sa oras na mapatunayang sangkot ito sa laglag bala, mare-relieve at posible pang ma-dismiss ang isang pulis.
By Meann Tanbio | Jonathan Andal