Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na patuloy nilang ipatutupad ang mga agresibong reporma sa kanilang hanay upang maibalik ang tiwala sa kanila ng publiko.
Ito ang inihayag ni PNP chief P/Gen. Guillermo Eleazar makaraang i-anunsyo ng Department of Justice na natapos na ang ginawa nilang pagrepaso sa mga kasong may kaugnayan sa anti-illegal drugs operations ng pulisya.
Ayon kay eleazar, welcome development para sa kanila ito at agad silang makikipag-ugnayan sa DOJ upang talakayin ang resulta ng ginawang review ng naturang kagawaran.
Magugunita na ang mga isinumiteng kaso ng PNP sa DOJ ay iyong mga kasong nakitaan ng pagkakamali ng PNP Internal Affairs Service (IAS) sa police operational procedure na nagresulta sa pagkamatay ng mga drug suspek o ‘di kaya’y ng mga operatiba.
Una nang nanindigan ang PNP na mananatili silang bukas sa anumang uri ng imbestigasyon upang sagutin ang punto por punto ang lahat ng akusasyong ibinabato laban sa kanila.—sa panulat ni Rex Espiritu