Nananatiling duda si Interior And Local Government Secretary Eduardo Año sa mga pahayag ni Peter Joemel Advincula alyas ‘Bikoy’ kaya’t pinayuhan niya ang PNP na maging mapanuri at busisiing mabuti ang mga isiniwalat nito.
Ayon sa kalihim, mahirap aniyang pagkatiwalaan ang isang taong sinungaling at mapanlinlang kaya’t mahirap din aniyang matukoy kung ano ang totoo sa mga sinasabi nito at kung ano naman ang kasinungalingan.
Gayunman, sinabi ni Año na posible pa rin namang may makuhang lead ang mga awtoridad sa mga sinasabi ni Bikoy kaya’t maaari nang magsampa ng kaso kung may matibay na ebidensya naman ang susuporta sa mga pahayag nito.
Sa panig naman ng PNP, sinabi ni PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde na bukas naman silang tanggapin ang mga inilabas na video ni Senador Antonio Trillanes IV na patungkol kay Bikoy.
Naniniwala ang PNP Chief na makatutulong ito upang maging balanse o patas ang kanilang ginagawang imbestigasyon at mailabas ang buong katotohanan sa likod nito.