Handang tumalima ang Philippine National Police (PNP) sa anumang magiging kapasyahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y makaraang irekumenda ng government peace panel ang pagkakaroon ng tigil putukan sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF).
Ayon kay PNP spokesman P/BGen. Bernard Banac, wala pa silang natatanggap na pormal na kautusan hinggil sa naturang tigil putukan.
Batay sa umiikot na dokumento, epektibo ang holiday ceasefire mula bukas, Disyembre 23 hanggang Enero 7 ng susunod na taon.
Aminado ang PNP na mahirap nang magtiwalang muli sa mga rebelde lalo’t mas dumadalas ang kanilang mga pag-atake kapag nagdideklara ng tigil putukan.
Ito ang dahilan ani Banac kaya’t tulad ng militar ay hindi rin nila inirekumenda sa pangulo na magsagawa ng holiday ceasefire.
Sa mga nagdaang panahon, sa kabila ng mga pinairal sa ceasefire noong araw tuwing kapaskuhan, nakitaan parin ng paglulunsad ng pag atake ang mga NPA laban sa mga pwersa ng pamahalaan. Ngayon, nitong mga pinaka-huling Pasko na dumaan, ay hindi na nagpatupad ng ceasefire dahil patuloy namang lumalabag ang kanilang hanay,” ani Pol. Brig. Gen. Bernard Banac sa panayam ng DWIZ.