Hindi na bago ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya na lamang ang mamamahala o mamumuno sa Philippine National Police (PNP).
Ito ang reaksyon mismo ng PNP sa pahayag ng Pangulo matapos na aminin nito na hirap pa rin siyang pumili ng susunod na magiging hepe ng pambansang pulisya.
Ayon kay PNP Spokesman Police Brig. Gen. Bernard Banac, bahagi ng kapangyarihan ng Pangulo bilang kanilang commander-in-chief ang magbigay ng kautusan, direktiba at guidance bagama’t ang mga pulis pa rin aniya ang pakikilusin upang ipatupad ito.
Dagdag ni Banac, nakahanda ang PNP na tumugon, suportahan at sundin anuman ang magiging pasiya at kautusan ng Pangulo.
Samantala, sa usapin naman ng paghingi ng rekumendasyon ng Pangulo para susunod na pipiliing PNP Chief, sinabi ni Banac na kanila ito ipauubaya sa Department of the Interior and Local Government (DILG). — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)