Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) sa mga lokal na Pamahalaan sa bansa.
Ito’y bilang pagtalima sa kautusan ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año sa PNP at BFP na tumulong sa vaccination rollout kontra COVID-19.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, 35,415 sa kabuuang 50,000 tauhan na kanilang pakikilusin ay tutulong sa paghahatid ng mga bakuna.
Habang ang nalalabing 13,840 na Pulis naman ang magpapatupad ng minimum public health safety protocols sa mga vaccination site sa buong bansa.
Maliban dito, kaantabay din ang Medical Reserve Force ng PNP para sa deployment sakaling kailanganin para magfacilitate ng pagbabakuna.
Samantala, sinabi rin ni Eleazar na handa na rin nilang gamitin ang air at sea assets ng PNP tulad ng fast craft boats at helicopters para sa paghahatid ng mga bakuna sa mga liblib na lugar.
Makatatanggap naman ng protective gear ang lahat ng mga Pulis na ipakakalat at bibigyan din sila vitamins at supplements bilang pangdagdag proteksyon laban sa COVID-19.