Hinamon ni Sen. Panfilo Lacson ang hanay ng pambansang pulisya na patunayan ang kanilang kakayahan bago isulong ang panukalang armasan ang mga civilian anti-crime volunteer.
Ayon kay Lacson na dati ring naging pinuno ng Philippine National Police (PNP), kailangang makita ng publiko na ang kanilang polisya ay efficient, propesyonal at may sapat na kakayahan para protektahan ang publiko sa mga kriminal.
Kung magiging maluwag aniya ang PNP sa pagpapalabas ng mga permit to carry sa mga tinaguriang force multiplier, sinabi ni Lacson na lilikha ito ng pagdududa sa publiko na hindi nila kaya ang trabaho.
Giit ni Lacson, walang karapatang humawak ng baril ang sinumang may problema sa pag-iisip o kahit iyong mga taong short temper o mabilis mag-init ang ulo.
Pagmamalaki pa ng senador, nagpatupad siya ng uniform standard sa pagkuha ng permit to carry firearms noong siya pa ang pinuno ng pambansang pulisya. -–ulat mula kay Patrol 19 Cely Ortega-Bueno