Humihingi ng paumanhin at pang-unawa ang pamunuan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group sa mga mananakay at motoristang naapektuhan nang matinding trapik kagabi.
Ayon kay PNP-HPG Director Police Chief Superintendent Arnold Gunnacao, ang pagbaha sa iba’t-ibang lansangan sa Metro Manila ang siyang dahilan ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Subalit, giit niya, hindi kontrolado ng PNP-HPG ang baha.
Kaya naman, bilang aksyon hiningi na ng PNP-HPG sa Metropolitan Manila Development Authority ang listahan ng mga lugar sa Metro Manila na palagiang binabaha.
Ito’y upang makagawa sila ng mga alternatibong ruta na maaaring magamit ng mga motorista.
Ayon pa kay Gunnacao, nagsisimula na ang MMDA at Department of Public Works and Highways sa pagtatanggal ng bara sa mga daanan ng tubig na isa sa mga naging dahilan ng pagbaha.
By: Jelbert Perdez | Jonathan Andal