Iniimbestigahan na ng pamunuan ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang viral na video sa social media.
Tampok dito ang dalawa umanong pulis na nakasakay sa kanilang service motorcycle na nag-uunahan sa daan at tila gumagawa ng exhibition sa Zambales.
Ayon kay PNP-HPG Director P/BGen. Alexander Tagum, hindi nila tauhan ang dalawa dahil hindi naman nakasuot ang mga ito ng angkop na uniporme tulad ng vest.
Wala rin aniyang marka ng HPG ang kaliwang Pannier box na nakakabit sa naturang mga motorsiklo na nakalaan para sa Traffic Patrol Riders.
Gayunman, sinabi ni Tagum na tauhan man nila o hindi ay dapat pa ring pairalin ng mga gumagamit ng motorsiklo ang ibayong pag-iingat at disiplina. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)