Iaapela ng Philippine National Police- Internal Affairs Service o PNP IAS ang naging parusa sa isang pulis na nasangkot sa kontrobersiyal na drug raid sa Pampanga noong 2013 at sa Antipolo City ngayong taon.
Ayon kay IAS Chief Inspector General Alfegar Triambulo, oras na matanggap nila ang kopya ng kautusan hinggil sa ipinataw na parusa kay Police Lieutenant Joven De Guzman, agad silang maghahain ng motion for reconsideration.
Una nang sinabi ni Triambulo na dismissal o pagsibak sa serbisyo ang inirekomenda nilang parusa laban kay De Guzman matapos masangkot sa kontrobersiyal na buy bust operation sa Antipolo City noong Mayo.
Habang isa rin si De Guzman sa 13 pulis na sangkot sa maanomalyang drug raid sa Pampanga noong 2013 at nabuksan sa nakalipas na pagdinig sa Senado.
Gayunman, ibinaba ni PNP OIC Police Lt. General Archie Gamboa ang parusa ni De Guzman sa 95 araw na suspensyon dahil nakasaad aniya sa resolusyon ng IAS na less grave offense lamang ang kaso nito.