Pinabulaanan ng Philippine National Police-Internal Affairs Service o PNP-IAS ang akusasyong hindi nito inaaksyunan ang mga kaso ng hinihinalang extrajudicial killings o EJKs sa bansa.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo, lahat ng kaso ng pagkamatay kaugnay sa anti-illegal drug operations ay kanilang iniimbestigahan.
Iginiit ni Triambulo, mula July 2016 hanggang November 2017 umaabot na sa mahigit 2,600 na raang mga pulis ang kanilang inimbestigahan dahil sa mga anti-illegal operations.
Kabilang ang mga pulis na sangkot sa pagkamatay ni Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.
Aniya, 1,400 mga kaso ang na-dropped and closed na matapos mapatunayang lehitimo ang mga operasyon, 18 ang nasa pre-charge investigation habang 144 naman ang sumasailalim na sa summary hearing.
Dagdag ni Triambulo na nasa 81 mga pulis na rin ang na-dismiss sa serbisyo, 20 ang na-demote at 31 ang suspendido dahil sa paglabag sa police operational procedures sa war on drugs.
Dahil dito, tiwala si Triambulo na maiiwasan nang maging madugo ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga sakaling maibalik na ito sa pamumuno ng PNP.
—-