30% lamang ng rekomendasyon ng Philippine National Police Internal Affairs Services (PNP – IAS) laban sa mga iniimbestigahan at nagkakasalang pulis ang naipatutupad.
Ito ang isinawalat mismo ni PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo na isa sa dahilan kung bakit ninanais nilang maihiwalay sa PNP chain of command at maging independent body.
Ayon kay Triambulo, nakakadismayang sa nabanggit na bilang, ilan pa sa mga ito ang na-reverse o nababago pa.
Paliwanag ni Triambulo, nilikha ang IAS noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada para tumayong watchdog o tagapagbantay laban sa mga maling gawain sa PNP organization habang hindi pa naipatutupad ang reorganization ng NAPOLCOM.
Meron aniya dapat kapangyarihan ang IAS na magdisiplina ng mga tiwaling pulis pero hindi ito naipatupad.
‘Pag implementa ngayon sa national police commission nilagay ito sa office ng Chief PNP at maging recommendatory lang at hindi binigyan ng adjudicatory power. So, ito ngayon, sa aming survey; sa maing pagsaliksik kung ilan na ba ang mga na-implement yung aming pinagdi-dismiss at dinisiplina na pulis, kami po ay nadismaya kasi 30% lang sa lahat ng aming mga nirekomenda at ito ay na-reverse pa, nababago,” ani Triambulo.
Dagdag ni Triambulo, nakalulungkot din aniyang walang sariling pondo ang PNP IAS.
Una nang sinabi ng opisyal na makabubuti kung hiwalay ang IAS sa pambansang pulisya tulad ng mga counterparts nila sa ibang bansa kung saan nakakapagpatanggal pa ang mga ito ng hepe.
Ngayon nadatnan ko po ang IAS sa 20 years nilang in existence noon, almost 20, and wala po itong pondo, walang opisina, wala silang capital outlay ng pambili ng computer kaya ako ay nanghihingi sa PCSO, kahit saan ako humingi, nagla-lobby sapagkat ito ay napabayaan at hanggang ngayon ang internal affairs ay skeletal lang,” ano Triambulo. — sa panayam ng Sapol.