Iimbestigahan ng PNP-IAS Internal Affairs Service ang viral video kung saan makikita ang isang pulis na naglagay ng baril sa isang napatay na umano’y drug suspect na nangyari sa Valencia, Bukidnon.
Tiniyak ni PNP IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo na rerepasuhin nilang mabuti ang nasabing video kahit patay na ang sangkot na pulis at iimbestigahan ang mga nakasama nitong pulis sa nasabing operasyon.
Makikita sa video ang pulis na kinilalang si Corporal Benzon Gonzales na tatlong beses na ipinutok ang baril sa ere bago ito inilagay sa tabi ng labi ng drug suspect na si Pol Estaniol.
Ang insidente ay nangyari noong Pebrero 20 at ilang araw lamang makalipas ay nasawi na rin si Gonzales sa isang aksidente.
Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang National Police Commission ang nasabing pangyayari bagamat lumalabas sa pagsusuri nito na walang masamang record si Gonzales.