Pinagtibay ng PNP-IAS o Philippine National Police – Internal Affairs Service ang resulta ng imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) sa kasong pagpatay kay Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa sa loob ng kanyang piitan sa Leyte Provincial Jail.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General, Atty. Alfegar Trianbulo, nagsabwatan sina Superintendent Marvin Marcos at labing walong (18) pulis na kasamahan nito para patayin si Espinosa.
Naisumite na anya ng PNP-IAS sa tanggapan ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang resulta ng kanilang imbestigasyon.
Nakapaloob rin dito ang rekomendasyon ng PNP-IAS sa magiging estado o magiging parusa sa grupo ni Marcos.
Tumanggi si Triambulo na banggitin kung ano ang kanilang rekomendasyon para kina Marcos dahil nasa kamay na anya ni Dela Rosa ang pagpapasya.
Una nang sinabi ni Dela Rosa na may masisibak sa serbisyo sa grupo ni Marcos na kasalukuyang nakakulong sa CIDG Region 8 sa Leyte.
By Len Aguirre