Target ng PNP Internal Affairs Service na makapagpalabas ng resolusyon sa kaso kontra sa 19 na mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte.
Kasunod ito nang isinagawang preliminary conference kaugnay ng kasong administratibo na kinakaharap ng mga sangkot na pulis na pinangungunahan ni dating CIDG Region 8 Director Senior Supt. Marvin Marcos.
Bukod kay Marcos dumalo rin sa preliminary conference sina Police Supt. Noel Santi Matira at Chief Inspector Leo Laraga.
Ayon kay Atty. Shella Castillo, hepe ng Legal Affairs Service ng IAS at tumatayo ring hearing officer hindi natapos ang preliminary conference dahil na rin sa dami ng dokumento na kailangang isuite ng prosecution at ng mga akusado.
Dahil dito nakatakdang ipagpatuloy ang preliminary conference sa January 10, 2017 at pagkatapos nito ay bibigyan ng 15 araw ang magkabilang panig para magsumite ng kanilang position paper.
By: Judith Larino