Nais pang palakasin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pakikiisa sa social media para maipaalam sa publiko ang mga programa at aktibidad nito hinggil sa pambansang kaayusan at kaligtasan.
Ito ang binigyang diin ni P/Mgen. Dionardo Carlos, hepe ng Directorate for Police Community Relations ng PNP bunsod ng kontrobersyal na pagsasara ng facebook sa humigit kumulang 200 accounts na konektado sa AFP at PNP.
Ayon kay Carlos, napakababa ng social media engagement ng PNP lalo na sa pagtugon sa mga problemang kanilang natatanggap mula sa publiko.
Batay sa datos, 25 lamang mula sa 1, 776 na social media accounts ng pnp ang aktibo patunay na iilan lang sa mga reklamo at impormasyon na ipinaparating sa kanila ng publiko ang inaaksyunan.
Binigyang diin pa ni Carlos, malayo ito sa kagustuhan ng pamunuan ng pnp na dapat ay agad na inaaksyunan ang mga sumbong at impormasyon na ipinaparating ng taongbayan.
Kasabay nito ipinaalala rin ni Carlos na dapat ay laging sumusunod ang mga pulis sa mga protocol sa paggamit ng social media dahil pananagutan ng mga pulis at kanilang mga units ang anumang impormasyon na kanilang inilalahad sa publiko.
Ilan sa mga ito aniya ay ang posts ng ilang social media accounts na ng mga local police tulad ng rape joke ng Lucban PNP sa Quezon gayundin ang red tagging ng mga aktibista na ginawa ng malaybalay City Police Station sa Bukidnon ang kinuyog ng mga netizen.