Pagpapaliwanagin ng Philippine National Police ang Manila Police District kaugnay sa magkaibang report nito ng bilang ng mga pro–Duterte na nagpunta sa Plaza Miranda kahapon.
Ayon kay PNP Deputy Spokesperson Supt Vimellee Madrid, iimbestigahan nila kung bakit hindi nagtutugma ang mga inilabas na numero ng MPD.
Batay sa datos na ibinigay ng MPD sa media umabot sa 15,000 ang mga lumahok na taga-suporta ng administrasyon sa National Day of Protest.
Ngunit sa ipinasa nitong report sa Kampo Crame nasa 7,000 pro-Duterte lamang ang naitala nilang nagtungo sa Plaza Miranda.
Sinabi pa ni Madrid, sisilipin nila ang drone shot ng pulisya sa Plaza Miranda para beripikahin ang totoong bilang ng mga nagpuntang taga suporta ni Pangulong Duterte duon.
Nauna rito , sinabi ng MPD na umabot sa 18,000 ang pro-Duterte na nagtipon tipon sa buong Maynila habang 13,000 naman ang mga anti-Duterte.
Ulat ni Jonathan Andal
SMW: RPE