Ikinalugod ng PNP o Philippine National Police ang ganap nang pagsasabatas ng Philippine Identification System Act o PHILSYS.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, malaking tulong sa kanila ang nasabing batas dahil mas magiging madali at mabilis na ang kanilang pag-resolba sa mga krimen.
Ito aniya ay dahil kabilang na sa feature ng national ID ang fingerprint ng isang indibiduwal, maliban pa sa mga personal na impormasyon tulad ng larawan, pangalan, address, blood type, birthday at marital status.
Dagdag pa ni Albayalde, magkakaroon na rin ng pagkakataon ang mga otoridad na masilip ang impormasyon ng isang indibiduwal nang hindi lumalabag sa isang batas na pumoprotekta sa privacy at karapatang pantao.
CHR tanggap ang pagsasabatas ng PHILSYS ACT
Tinanggap sa CHR o Commission on Human Rights ang ganap nang pagsasabatas ng Philippine Identification System Act matapos namang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte Kahapon.
Ayon kay CHR Spokesperson Jacqueline De Guia, isang magandang hakbang ang PHILSYS para matiyak ang pagkakaroon ng pantay na karapatan sa serbisyo ng pamahalaan.
kapantay din aniya ito ng obligasyon ng pamahalaan na magbigay legal identification sa lahat ng Filipino.
Kasabay nito, hinimok ng CHR ang pamahalaan na tiyaking mabibigyan ng proteksyon ang right to privacy ng bawat Filipino.
Gayundin ang mabantayan ito laban sa mga pang-aabuso at diskriminasyon.