Inatasan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga police commanders sa mga rehiyon ng Bicol at Eastern Visayas na maging alerto at tumulong sa mga paghahanda hinggil sa pananalasa ng bagyong Jolina.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, kaniya na ring ipinag-utos sa mga ito na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga Lokal na Pamahalaan para gawin ang mga kaukulang hakbang para tugunan ang pangangailangan ng kanilang mga kababayan.
Kasunod nito, pinahahanda na rin ng PNP Chief ang lahat ng kanilang mga asset sa mga nabanggit na rehiyon na siyang gagamitin naman para sa paglilikas gayundin naman sa search and rescue at iba pa.
Pinatitiyak din ni Eleazar sa mga pulis ang kaligtasan ng mga komunidad partikular na sa mga lugar na matinding maaapektuhan ng nagbabadyang kalamidad.
Batay sa ulat ng PAGASA, naglandfall na kagabi ang bagyo sa Hernani, Eastern Samar at kasalukuyang nakataas na ang babala ng bagyo bilang 3 sa mga lalawigan ng Samar. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)