Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y pamamahagi ng dyaryo ng mga pulis nuong halalan na di umano’y ikinakampaniya na huwag iboto ang mga party-list group na may kaugnayan sa CPP-NPA.
Iyan ang inihayag ni PNP Spokesman Col. Bernard Banac sa harap ng alegasyon ng grupong kontra daya na red tagging at electioneering laban sa kanila.
Ayon kay Banac, walang basbas mula kay PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde ang hakbang na iyon ng kanilang mga kabaro.
Una rito, nakuhanan ng bidyo ng Kontra Daya ang ginagawang pamimigay ng dyaryo ng mga pulis sa mga lungsod ng Maynila, Quezon at Caloocan.
Laman ng mga nasabing pahayagan ang mga balita na nagsasaad na front organization umano ng CPP-NPA ang ilang tumakbong kandidato at party-list batay mismo sa pahayag ni CPP-NPA Founding Chair. Jose Ma. Sison.