Inilabas ng PNP ang CCTV footage nina Bree Jonson at Julian Ongpin sa labas ng kanilang kuwarto sa isang resort sa La Union, ilang oras bago natagpuan ang labi ni Jonson.
Sinabi ni PNP chief Guillermo Eleazar na batay sa nakasulat sa footage, lumabas si Ongpin ng kuwartong inupahan nila ni Jonson at umupo sa malapit na hagdan habang umiinom ng red wine.
Nakitang sumunod na lumabas si Jonson at sinundan at kinausap si Ongpin, bago bumalik sa loob ng kuwarto habang umiinom din ng red wine at tila may pagtatalong naganap sa pagitan ng mga ito.
Una nang inihayag ng PNP region 1 na Asphyxia o kakapusan ng hangin ang ikinasawi ni Jonson batay sa isinagawang autopsy sa labi nito.
Ayon kay police region 1 director brigadier general Emmanuel Peralta na lumalabas sa physical examination na walang indikasyong nanlaban si Jonson na patunay na walang nangyaring komprontasyon sa umano’y kasintahang si Ongpin.