Ipatutupad na ng Philippine National Police (PNP) ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagbawal na ang paggamit ng vape sa mga pampublikong lugar epektibo mula ngayong araw ng Miyerkules, ika-20 ng Nobyembre nang kasalukuyang taon.
Ayon kay PNP officer-in-charge, Police Lieutenant General Archie Gamboa, kaniya nang ipinag-utos sa lahat ng police units sa buong mundo ang pagpapatupad ng pagbabawal ng paggamit ng vape sa public places.
Tiniyak din nito na aarestuhin ang sinumang lalabag sa naturang kautusan at idi-dispose ng maayos ang lahat ng mga makukumpiskang kasangkapan.
Inatasan na rin aniya ang mga law enforcers na makipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) at mga ahensiya, mga nagbebenta at nagma-may-ari ng vape upang mapa-igting ang naturang ban.
Idineklara rin ng pulisya bilang ‘No Vape Zone’ ang kanilang mga kampo at tanggapan at pinagbawalan na rin maging ang mga pulis na gumamit ng vape sa mga pampublikong lugar.
We assure the public that the PNP remains alert and vigilant to prevent occurrence of crimes in the run-up to the SEA games and Christmas season and ready to respond to any call for assistance,” bahagi ng pahayag ng PNP.
Samantala, magugunitang sa pulong balitaan ng Malakanyang nitong Martes, ipinahayag ni Pangulong Duterte na ipagbabawal na niya ang paggamit ng vape sa mga pampublikong lugar maging ang pag-iimport ito.