Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na mapapanatili nila ang kapayapaan at kaayusan hanggang sa huling araw ng voters registration.
Ito’y matapos maraming reklamo ang natatanggap ng PNP hinggil sa pagdagsa ng mga magpaparehistro kung saan hindi nasusunod ang social distancing na posibleng maging sanhi ng super spreader event.
Ayon kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, pinaalalahanan na ng pamunuan ng PNP ang mga tauhan na tiyaking naipatutupad ang minimum health protocols sa mga voters registration site.
Aniya, mas lalo nilang paiigtingin ang pagpapatupad ng health protocols at mahigpit na paaalalahanan ang mga kapulisan na magkaroon ng sapat na mga tauhan sa mga voter registration site para masiguro na magiging maayos at payapa ang pagpaparehistro ng mga botante.
Magugunitang, nakatakda na ang deadline ng voter registration ng Commission on Elections (COMELEC) sa a-30 ng Setyembre.