Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) na may hawak silang mga pekeng facebook accounts.
Kasunod ito ng pagtanggal ng facebook sa ilang mga accounts at pages na mayroon anilang tinatawag na coordinated inauthentic behavior na labag naman sa kanilang patakaran sa foreign government interference.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Ysmael Salong Yu, pinasisilip na ni PNP Chief General Camilo Cascolan sa kanilang information technology management service ang mga accounts ng kanilang sub-offices at police regional services.
Sinabi ni Yu, pinagsusumite nila ang mga naturang tanggapan ng kanilang mga inihandang hakbang sakaling natuklasan nila ang mga iniuugnay sa kanilang mga pekeng accounts.
Dagdag ni Yu, tanging ang kanilang Director for Police Community Relations ang gumagamit ng facebook para magkaroon ng ugnayan sa komunidad.
Magugunitang, inanunsyo ng facebook ang pag-shutdown nila sa mga pekeng account at pages na iniuugnay sa AFP at PNP.