Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na personal na kilala ni Police Lieutenant General Vicente Danao Jr. ang pamilya ng suspek sa hit-and-run incident sa Mandaluyong City.
Tinukoy ni PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo ang San Vicente family, ang anak nito na si Jose Antonio na umano’y driver ng SUV na sumagasa at umabandona sa sucurity guard na si Christian Floralde noong June 5.
Ayon kay Fajardo, ang mga magulang ng suspek ang naghanap ng kakilala na pwede nilang makausap at makarating kay Chief PNP o OIC.
Matapos aniya ang mahigit isang linggo, lumabas sa publiko at nagsagawa ng press conference sa Camp Crame si Jose Antonio kasama ang kaniyang pamilya para ilabas ang kanilang panig.
Giit ni Fajardo na noong June 15 na press conference, personal na nakilala ni Danao ang mga San Vicente sa unang pagkakataon.
Muli din niyang sinabi na walang legal na basehan para arestuhin si Jose Antonio dahil wala pang warrant of arrest laban sa suspek mula sa korte para maisailalim sa kustodiya ng PNP.
Samantala, itinanggi din niya na nagbigay ang ahensya ng VIP treatment sa suspek.