Dagdag na 2,000 pulis ang ipapakalat ng Philippine National Police (PNP) para sa May 9 elections.
Ang nasabing puwersa ng pulis ay ide-deploy sa mga idineklarang election hotspots bukod pa sa magsisilbing reinforcement sa mga lugar na kakaunti ang mga awtoridad.
Sa kabuuan ay pumapalo na sa halos 10,000 pulis ang ilalabas ng PNP bilang bahagi nang pagtiyak ng ligtas at malinis na eleksyon.
Hinimok rin ng PNP ang publiko na isumbong sa kanila ang sinumang pulis na mapapatunayang nangangampanya para sa mga kandidato.
Binigyang diin ng PNP na malinaw sa ethical doctrine manual ng PNP ang dapat na pagiging non-partisan ng mga pulis.
Tiniyak ng pamunuan ng PNP na mahaharap sa kasong administratibo ang mga pulis na mapapatunayang nangangampanya sa sinumang kandidato.
By Judith Larino | Jonathan Andal (Patrol 31)