Magpapalabas ng bagong panuntunan ang Philippine National Police (PNP) para sa pakikitungo ng mga pulis sa publiko sa gitna ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) outbreak.
Ayon kay acting PNP spokesperson, Director for Police Community Relations Maj. Gen. Benigno Durana, bagama’t pinapayuhan ng Department of Health (DOH) ang lahat na umiwas sa mga matataong lugar, hindi maiiwasan ito ng mga pulis dahil trabaho nila ang bantayan ang seguridad ng publiko.
Dahil dito aniya, gumawa na lamang sila ng bagong guidelines para maiwasan ang posibleng exposure sa COVID-19 ng mga pulis sa kabila ng kanilang pagtatrabaho.
Gaya na lang umano ng pagpapatupad ng ‘no-contact’ policy at pag-obserba sa isang metrong distansya ng mga pulis sa matataong lugar.
Una rito, ipinaliwanag ng PNP na hindi sila magpapatupad ng ‘no face mask, no entry’ sa mga himpilan ng pulis upang hindi ito magbigay ng alarma sa publiko.