Iniutos ng Officer-in-Charge ng pambansang pulisya na si Lt. Gen. Guillermo Eleazar na magsagawa ng maigting na contact tracing ang PNP health service makaraang dapuan ng COVID-19 si PNP Chief Police General Debold Sinas.
Ayon kay Eleazar, ang lahat ng mga indibidwal na nakasalamuha ni Sinas sa mga pinuntahan nito mula a-nuwebe hanggang ika-11 ng Marso ay dapat tukuyin at agad na isailalim sa health assessment.
Dagdag pa ni Eleazar, maging ang mga miyembro ng media ay kinakailangan ding masuri.
Paliwanag ni Eleazar, ang mga close contacts ni Sinas na maituturing na low risk o ‘yung mga sumunod sa health protocols nang makasalamuha ang COVID-19 patient ay papayagang mag-report sa kanilang mga unit para matignan ang kanilang mga kondisyon.
Habang ang mga high risk naman o ‘yung mga taong hindi naka-face mask nang nakasalamuha ang COVID-19 patient ay inatasang mag-report sa quarantine facility ng PNP.