Nagbanta ang Philippine National Police (PNP) na mahaharap sa patong-patong na kaso ang dalawang umano’y lider ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at iba pa kasunod ng pag-atake sa bayan ng Datu Piang sa Maguindanao noong Huwebes ng gabi.
Ayon sa PNP, kabilang sa mga ihahaing kaso laban sa mga suspek ay attempted murder, arson, at grave threats.
Matatandaang kinumpirma ni Maj. Gen. Juvymax Uy, kumander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army na nagkaroon ng dalawang oras na bakbakan nang lusubin ng BIFF ang Charlie Company ng 6th Infantry Battalion sa nabanggit na lugar.
Ang armadong grupo ay sinasabing pinangunahan ng umano’y kapatid ni BIFF leader Ustadz Karialan.