Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang CALABARZON PNP na magdagdag pa ng mga tauhan.
Ito’y upang tumulong sa paglilikas ng mga residente sa lalawigan ng Batangas na labis na apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Taal.
Kasunod nito, sinabi ng PNP chief na kaniya ring inaatasan ang mga Police Commander na makipag-ugnayan sa mga Local Disaster Risk Reduction and Management Office para alamin ang iba pang mga pangangailangan ng mga apektadong residente.
Habang patuloy na binabantayan ang aktibidad ng bulkan, nakiusap si Eleazar sa mga apektadong residente na sumunod sa ipinatutupad na mga alituntunin para na rin sa kaligtasan ng lahat.
Hindi naman aniya bumibitaw ang PNP sa pagtutok at lagi aniya itong nakahandang umalalay at magpaabot ng mga kinakailangang tulong sa panahong ito ng kalamidad. —ulat mula kay Jaymark Dagala ( Patrol 9)