Binalaan ng Philippine National Police (PNP) ang sinumang masasangkot sa operasyon ng iligal na sabungan sa gitna ng umiiral na community quarantine protocols.
Ayon kay PNP spokesman Police Brigadier General Bernard Banac, hindi rin aniya makaliligtas maging ang mga pulis na masasangkot dito.
Sinabi ni Banac, patuloy ang pulisya sa paghuli ng mga lalabag sa umiiral na mga batas lalu na hinggil sa mga pagtitipon sa ilalim ng community quarantine tulad ng mga iligal na sabong.
Pagtitiyak pa ni Banac, tuloy-tuloy ang isinasagawang internal cleansing sa loob ng PNP kung saan mahaharap sa imbestigasyon at mapaparusan ang mapatutunayang nagkasala.
Kahapon, Hunyo 21, nagkasa ng operasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa isang iligal na sabungan sa isang subdivision sa Batangas City kung saan isang retiradong heneral at isang pulis ang kabilang sa naaresto.