Mahigpit pa ring babantayan ng Philippine National Police o PNP ang mga aktibidad ng napalayang apat na convicted Chinese drug lords.
Ito ang tiniyak ni PCP Chief Gen. Oscar Albayalde matapos mapalaya sina Chan Chit Yue, Kin San Ho, Ching Che at Wu Hing Sum makaraang mapaigsi ang kanilang sentensya sa bisa ng Republic Act 10592 o ang Good Conduct Time Allowance o GCTA.
Ayon kay Albayalde, wala na silang magagawa kung napalaya na ang naturang mga convicted drug lord dahil ito rin naman aniya ay alinsunod sa batas.
Gayunman, hindi pa rin titigil umano ang PNP sa kanilang intelligence monitoring sa apat na Chinese para mabantayan kung ang mga ito ay babalik sa kanilang iligal na aktibidad.