Mas hihigpitan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang ipatutupad na seguridad ngayong holidays.
Kasunod na rin ito ng magkakasunod na insidente ng pagsabog sa Cotabato at Maguindanao kahapon, Disyembre 22.
Ayon kay PNP officer in charge (OIC) Lt. General Archie Gamboa, patuloy ang mahigpit na pagmomonitor ng pulisya sa sitwasyon at seguridad ng mga lugar na isinailalim sa full alert status.
Kaugnay nito, tiniyak ni Gamboa sa publiko na tuloy-tuloy din nilang gagampanan ang kanilang tungkuling magbigay proteksyon ngayong Kapaskuhan.
Dagdag ni Gamboa, gagawin din nilang lahat ng paraan para maaresto ang nasa likod ng magkakasunod na pagsabog sa Cotabato at Maguindanao.
Gayundin ang mapigilan ang mga posibleng kahalintulad na pagatakeng mangyari sa mga susunod na araw.
Una nang nagtaas sa full alert status ang PNP simula noong Disyembre 15 —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9).