Mas pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang manhunt operation para sa pagdakip sa mga hinihinalang pumatay kay vice mayor Restituto Calonge ng Mabuhay, Zamboanga Sibugay at sa isang engineer.
Ayon sa pulisya, tinutugis na ngayon ang mga suspek na sina Erer Magoda at Jomar Taiting, pawang mga miyembro ng Anwar Ansang Criminal Group na umano’y sangkot sa gun for hire, piracy, at illegal drugs activities sa rehiyon.
Sa imbestigasyon, nag-uusap sina Calonge at Engr. Edgar Pampanga sa Mabuhay town plaza malapit sa munisipyo nang lapitan ng gunman at pinagbabaril gamit ang isang cal. 45 pistol.
Napatay sa pamamaril sina Calonge at Pampanga habang sugatan naman ang municipal employee na si Hdj. Abduhari Gapor at isang Gregorio Baya Cenas na umano’y retiradong pulis.