Asahan ang mas pinaigting at mas pinalakas na kampanya kontra ilegal na droga sa pagpasok ng bagong taong 2020.
Iyan ang binigyang diin ni Philippine National Police (PNP) officer-in-charge P/LtG. Archie Francisco Gamboa kasunod ng mga dapat aniyang asahan sa Bagong Taon.
Una nang inamin ni Gamboa na nahirapan silang bumangon mula sa pagkakalugmok nang mapasok sa kontrobersiya ang hanay ng PNP nitong 2019.
Sa harap kasi aniya ng pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga, nasangkot din dito maging mismong ang kanilang mga opisyal at mga kawani na siyang tinututukan naman ng kanilang internal cleansing campaign.
Babala ni Gamboa, itotodo na nila ang paggamit sa buong puwersa ng batas para sa sinumang hindi magpapaawat at magtatangkang pumasok pa rin sa ilegal na gawain lalo na sa iegal na droga.