Hindi titigil ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapaalala sa publiko na sundin lagi ang mga ipinatutupad na minimum public health at safety standards gayundin ang quarantine protocols bilang panlaban sa COVID-19.
Ginawa ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang pahayag makaraang matukoy ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng Lambda variant mula sa isang 35 anyos na babae na gumaling na sa sakit.
Ayon kay Eleazar, nakalulungkot kasing tila ipinagwawalang bahala na ng karamihan ang pagsunod sa minimum health standards at mga quarantine rules sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Subalit “never say die” aniya ang PNP sa pagpapaalala gayundin sa pagpapatupad ng mga panuntunan upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng nakamamatay at tumitindi pang virus.
Kasunod niyan, inatasan na ni Eleazar ang lahat ng yunit ng pulisya na tutukan ang sitwasyon at mahigpit na ipatupad ang quarantine rules nang may paggalang pa rin sa karapatang pantao. —sa panulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)