May dalawa (2) nang persons of interest ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapasabog ng granada sa isang mosque sa Zamboanga City na ikinasawi ng dalawa katao.
Ayon kay Chief Superintendent Emmanuel Licup, hepe ng PNP Region 9, nakita di umano ang isang lalake na naghagis ng granada at saka sumakay sa isang motorsiklo na minamaneho ng kanyang kasama.
Dahil wala aniyang CCTV sa lugar ng pinasabugang mosque, sinusuyod na ng pulisya ang mga kalsada na patungo sa mosque kung may makukuha silang CCTV.
Kasabay nito, nanawagan si Licup sa mga mamamayan ng Zamboanga na makipag-tulungan sa kanilang imbestigasyon at iwasan ang mga ispekulasyon upang hindi sumiklab ang mas malaki pang gulo.
Sinabi ni Licup na nagpatawag na rin sila ng interfaith meeting upang maiwasan ang sinasabing buweltahan ng mga Muslim at Kristiyano.
Komiteng nakatutok sa terorismo muling binuhay sa Zamboanga City
Ipinag-utos na ni Zamboanga City Mayor Beng Climaco ang pagbuhay sa komiteng nakatutok sa terorismo.
Kasunod na rin ito nang ipinatawag na pulong ni Climaco matapos ang pagpapasabog sa isang mosque sa Brgy. Talon-Talon sa nasabing syudad.
Kasabay nang pag-convene ng technical working group on countering violent extremism and terrorism (CVET) muling nanawagan si Climaco sa mga residente na maging mapagmatyag kasabay ang direktiba sa masusing imbestigasyon sa insidente.—By Judith Larino
—-