Hinamon ng Philippine National Police o PNP si United Nations Special Rapporteur on Extrajudicial, Summary, or Arbitrary Executions Agnes Callamard na magbigay ng suhestyon kung paano tutugunan ang problema sa iligal na droga ng Pilipinas.
Ito’y matapos ihayag ni Callamard sa isang forum sa University of the Philippines (UP) na hindi epektibo ang war on drugs gaya ng ipinatutupad ng administrasyong Duterte.
Ayon kay PNP Spokesman, Chief Supt. Dionardo Carlos, ginagawa na ng PNP ang lahat ng paraan upang maabot at mabigyan ng pagkakataong magbago ang nasa apat (4) na milyong drug user at pusher sa pamamagitan ng Oplan Tokhang at rehabilitasyon.
Gayunman, kung may mas maganda anyang rekomendasyon si Callamard upang resolbahin ang problema sa droga ay handang makinig ang PNP sa kanya.
Hinikayat din ni Carlos si Callamard na silipin ang Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs at National Anti-Drug Plan of Action ng Pilipinas para makita nito ang polisiya at direksyon ng gobyerno sa paglaban sa droga sa bansa.
By Drew Nacino |With Report from Jonathan Andal