Hinikayat ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng magkasintahan na lalabas ng kanilang bahay para mag-date ngayong Valentine’s Day na sundin pa rin ang mga health protocols kontra COVID-19.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief P/BGen. Roderick Alba, hangga’t maaari sana’y iwasan muna ng mga ito na magkaroon ng PDA o Public Display of Affection sa labas upang maiwasan ang hawaan ng virus.
Inaasahan kasi ng PNP na maraming daragsa ngayon sa mga pook pasyalan tulad ng mga mall, sinehan, amusement park, restaurant at iba pa para ruon ipagdiwang ang okasyon.
Subalit dahil sa umiiral pa ring pandemiya, pinayuhan ni Alba ang publiko na panatilihin pa rin ang distansya sa bawat isa, ugaliing magsuot ng facemask at iwasan ang siksikang mga lugar.
Maliban sa virus, pinayuhan din ng PNP ang publiko na mag-ingat din mula sa mga kriminal na posibleng manamantala sa okasyong ito na laan para sa pagmamahalan.