Tiniyak ng Philippine National Police o PNP na nagagamit ng tama ang pondong inilalaan sa kanila ng Pamahalaan at gumagawa rin sila ng kaukulang hakbang upang maging maayos ang paggasta rito.
Iyan ang binigyang diin ni PNP Chief P/Gen Guillermo Eleazar kasunod na rin ng usapin ng mga inilalabas na ulat ng COA sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan tungkol sa paggastos sa kanilang pondo.
Ayon kay Eleazar, inatasan na niya ang lahat ng yunit ng pulisya na paigtingin pa ang ugnayan sa kanilang mga resident auditor bago pa magsagawa ng kanilang mga pagpuna ang Komisyon.
Una rito, umani ng kaliwa’t kanang batikos ang PNP Chief matapos ang tila pagdepensa nito kay Health Secretary Francisco Duque III ukol sa mga napupunang hindi nagastos na pondo, sabay pagmumungkahing hindi na dapat idaan sa media ang prelimenary report nito.
Subalit sa ginawang pagsangguni ng PNP Chief sa mga matataas na opisyal ng organisasyon, nabatid na hindi naglalabas ng anumang press release ang COA sa halip, tanging ang mga napuna lamang nito ang kanilang inilalathala sa website para maging gabay ng mga dapat sumagot.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)