May itinuturing nang person of interest ang pambansang pulisya sa pagpaslang sa anchorman na si Eduardo “Ed” Dizon.
Sinabi ni Kidapawan City P/Lt. Col. Ma. Joyce Birrey, tatlong CCTV footages ang kanilang tinututukan ngayon at masusing pinag-aaralan upang agad na maresolba ang pagpatay sa anchorman ng Brigada News FM sa lunsod ng Kidapawan.
Kabilang din aniya sa kanilang iniimbestigahan ang mga police blotter na may kaugnayan sa mga natatanggap na death threat ni Dizon noong July 3.
Ayon kay Birrey, pangungunahan ng PNP-Special Investigation Task Group ng Provincial Police Office ang pagsasagawa ng malalimang pimbestigasyon.
Kaugnay nito, dumalaw naman kahapon sa burol ni Dizon si Usec. Joel Sy Egco ng Presidential Task Force on Media Security.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ni Egco sa PNP upang malaman ang mga development sa naturang kaso.
Magugunitang, pinaulanan ng bala ng mga di nakilalang riding in tandem suspects si Dizon habang pauwi ito sa kanila kung saan nagtamo ng mga tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan na naging dahilan ng kanyang agarang kasawian.