May person’s of interest na ang Philippine National Police (PNP) sa kambal na pagsabog sa Isabela City, Basilan noong Lunes.
Ayon kay PNP officer-in-charge, LT. Gen. Vicente Danao Jr., narekober na ang CCTV footage sa unang insidente ng pagsabog.
Naganap ito dakong alas-5:45 ng hapon noong Lunes sa parking lot ng isang fast food chain.
Sa video, makikita ang isang lalaking nakasuot ng dilaw na damit at cap na nagsilid ng container sa cellophane na kalaunan ay sumabog.
Ang pangalawang pagsabog ay napansin naman ng security guard ng D’Biel transportation kung saan isang kahon ang iniwan ng isang pasahero bago ito sumabog.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng PNP habang pinaghahanap na ang mga salarin.